Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene nitong Lunes, Abril 13, 2026.
Sa kaniyang press briefing noong araw ding iyon, sinabi niyang ipinatupad ang pagsuspinde sa nasabing mga produkto sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng batas.
“Sa ilalim ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng batas, tinanggal ko na ang excise tax sa LPG at kerosene,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, aabot sa ₱3.36 ang mababawas sa bawat kilo ng LPG, na katumbas ng humigit-kumulang ₱37 na bawas sa bawat tangke.
Samantala, aabot naman sa ₱5.60 ang mababawas sa bawat litro ng kerosene.
Dagdag pa niya, “Ibig sabihin, mas mababa ang gastos sa pagluluto at sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.”
Matatandaang noong Marso 25 nang lagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa kaniya ng kapangyarihang magsuspinde o magbawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo, kasunod ng pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado dulot ng sigalot sa Middle East.
“Edukasyon…Respeto…Serbisyong tapat para sa inyo…MARCELINEANS!”
