
Mahigit 900 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa bayan ng San Marcelino ang tumanggap ng Cash Relief Assistance (CRA) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ipinagkaloob ang ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na naglalayong makatulong sa mga transport worker na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng ating mahal na Mayor Elvis Ragadio Soria, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), tumanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng tig-P5,000.

Samantala, pinangasiwaan ni MSWDO Head Sahra Soria ang payout, kasama ang mga kawani ng DSWD.
Bukod sa fuel subsidy mula sa pamahalaang nasyunal, makatatanggap din ng karagdagang ayuda ang mga benepisyaryo mula sa LGU.
Nagpasalamat naman si Niel Cañero ng Barangay Sta. Fe, isa sa mga benepisyaryo, sa lokal na pamahalaan at kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para sa natanggap na tulong.
Ayon sa kanya, malaking ginhawa ang ayuda lalo na sa mataas na presyo ng gasolina at matumal na pasada, at nakatutulong ito upang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Mayor Soria kay Pangulong Marcos Jr. at sa DSWD sa patuloy na suporta sa mga sektor na nangangailangan, partikular sa transportasyon.
Patuloy na pinalalakas ng pamahalaang lokal ang mga programang naglalayong mapagaan ang buhay ng mga Marcelineans at masuportahan ang kanilang kabuhayan sa gitna ng hamon sa ekonomiya.
“Edukasyon…Respeto…Serbisyong tapat para sa inyo…MARCELINEANS!”
