Matagumpay na nagtapos ang 24 na Marcelineans mula sa iba’t ibang barangay ng San Marcelino sa Motorcycle/Small Engine Servicing Skills Training na isinagawa ng pamahalaang lokal katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sumailalim ang mga benepisyaryo sa 20 araw na pagsasanay kung saan natutunan nila ang mga kaalaman at praktikal na kasanayan sa automotive servicing, kabilang ang tamang pag-aayos at maintenance ng maliliit na makina.
Pinangunahan ng ating mahal na Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria ang graduation ceremony na ginanap sa Bids and Awards Committee (BAC) Office Building, kasama si TESDA Provincial Training Center (PTC) Iba Administrator Dr. Eugene Peñaranda, kung saan pormal na kinilala ang mga nagsipagtapos na trainees na nakakuha ng National Certificate (NC) II sa Engine Servicing.
Kasama rin sa dumalo si TESDA Zambales Training Instruction Supervisor John Rx Cañones sa graduation ceremony.
Ayon sa pamahalaang lokal, layunin ng programa na mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman at kasanayan upang mapataas ang kanilang tsansa sa paghahanap ng trabaho at mapalawak ang kanilang oportunidad sa kabuhayan.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Soria ang mga nagtapos na gamitin ang kanilang natutunan bilang puhunan sa pagpapaunlad ng kanilang sarili at ng kanilang pamilya.
“Isinasagawa ng LGU ang libreng pagsasanay na ito upang mabigyan kayo ng sapat na kaalaman at kakayahan sa pagharap sa mga hamon ng buhay,” aniya.
Dagdag pa ng alkalde, bahagi ang programa ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lokal na maibalik sa mamamayan ang benepisyo ng kanilang buwis sa pamamagitan ng mga libreng pagsasanay at serbisyong makatutulong sa kabuhayan.
Tiniyak din ng LGU na magpapatuloy ang mga kahalintulad na programa upang mapalakas ang kakayahan ng mga Marcelineño na makahanap ng disenteng trabaho at mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

Pinangasiwaan ang aktibidad ng Public Employment Service Office (PESO) sa pamumuno ni Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC) at PESO Manager Floralyn Ramat-Mendoza, katuwang ang mga Barangay PESO Coordinators.
“Edukasyon…Respeto…Serbisyong tapat para sa inyo…MARCELINEANS!”
